VFA, hindi agad mababasura nang walang kaukulang dokumento – Palasyo

By Chona Yu February 09, 2020 - 04:05 PM

Aminado ang Palasyo ng Malakanyang na hindi agad na maibabasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika hanggat walang kaukulang dokumento.

Tugon ito ng Palasyo matapos pumalag sina Executive Secretary Salvador Medialdea at Defense Secretary Delfin Lorenzana sa pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na inutusan na ni Pangulong Duterte si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na simulan na ang pagproseso sa pagbasura sa VFA.

Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Panelo na Sabado kasi nang ilabas ng Pangulo ang utos.

Natural aniya na hindi matatanggap nina Medialdea at Lorenzana ang utos ng Pangulo dahil wala namang pasok ang mga tanggapan ng gobyerno kapag Sabado.

Ayon kay Panelo, hintayin na lamang bukas, araw ng Lunes (February 10), para maisapormal ang utos ng Pangulo.

“Antayin natin na dumating ng Monday, bukas pagdating ng Presidente,” ani Panelo.

Hindi aniya maaring verbal lamang ang utos ng Pangulo sa pagbasura sa VFA.

“Kailangan mo siyempre ‘yun, may executive document or rather in writing ‘yung instruction sa opisyal mo. Hindi naman pwedeng verbal-verbal lang,” dagdag pa nito.

TAGS: Sec. Salvador Panelo, VFA cancellation, vfa termination, Sec. Salvador Panelo, VFA cancellation, vfa termination

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.