Pagbasura sa VFA dahil lang sa pagkapikon mali – Sen. Recto
Para kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, mali na tumalikod ang Pilipinas sa Visiting Forces Agreement o VFA sa Estados Unidos dahil lang sa pagkapikon.
Aniya, may tamang panahon para kalimutan ang kasunduan sabay dagdag na hindi dapat ito minamadali kundi pinagpa-planuhan nang husto.
Binanggit pa nito na hindi dapat ibasura ang VFA ngayong patuloy ang pagtatayo ng China ng mga imprastraktura sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
Diin nito, napakahirap ipaliwanag sa mamamayan kung paano natin tinatanggap ang sumasakop sa ating teritoryo at sinisipa naman papalayo ang isang kaalyado.
Ngunit aminado si Recto na hindi perpekto ang kasunduan at may pagkakataon pa aniya na nadedehado ang Pilipinas.
Pero pagtatanggol din ng senador, ilang beses na ring napatunayan ng Amerika ang pagtupad sa kasunduan sa pamamagitan ng agarang pagsaklolo sa Pilipinas sa tuwing may pananalanta ng kalamidad.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.