Pope Francis, bilib sa tibay ng pananalig ng mga Pilipino

By Kathleen Betina Aenlle February 01, 2016 - 04:47 AM

Inquirer file photo/AP

Hinangaan ni Pope Francis ang tibay at lalim ng pananampalataya ng mga Pilipino, kasabay ng kaniyang pagpuri sa pagpapalaganap ng Kristyanismo sa lahat ng sulok ng mundo.

Ito ang naging laman ng personal na video message ng Santo Papa para sa mga Pilipino at sa lahat ng mga dumalo sa Statio Ordo o ang closing Mass ng 51st International Eucharistic Congress (IEC).

Dito rin inanunsyo ni Pope Francis na ang susunod na IEC ay gaganapin sa Budapest, Hungary sa taong 2020.

Ipinahayag ni Pope ang kaniyang labis na kaligayahan sa dami ng mga dumalo, kasama na ang kinabiliban niyang 15,000 na delegado mula sa 71 bansa.

Ibinahagi niya pa ang kaniyang personal na karanasan nang maramdaman niya ang lalim ng pananalig at ang tatag ng mga Pilipino nang siya ay bumisita sa Pilipinas noong nagdaang taon.

Bumilib aniya siya sa katatagan ng mga Pilipino matapos manalasa ang super bagyong Yolanda, at sa halip na lalong panghinaan ng loob, lalo pa aniyang tumibay ang pananampalataya ng mga Pinoy.

Nanawagan naman si Pope sa mga Katoliko na magpaka-rami at ipalaganap pa ang ebanghelyo sa buong mundo, lalo na sa mga Western countries kung saan aniya mas marami pa ang mga alagang hayop kaysa mga kabataan.

Samantala, umabot naman sa halos isang milyon ang naitalang dami ng mga debotong gumalo sa Statio Orbis, Linggo ng hapon.

Ayon kay Konsehal Dave Tumulak, na pinuno rin ng Cebu City command center, 907,641 na katao ang pumuno sa 15.1 hectares na bahagi ng 26 ektaryang Pedro Calungsod Template sa South Road Properties para sumama sa huling misa ng IEC.

Wala namang naitalang mga insidente ng krimen ang mga pulis, maliban sa mga insidente ng minor medical emergencies.

Ayon kay Senior Supt. Benjamin Santos, tumatayong hepe ng Cebu City Police Office (CCPO), may ilang mga tao na nakaranas ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at ilang mga minor injuries na agad namang nalapatan ng lunas ng mga medical personnel.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.