Ilang sports events sa bansa suspendido dahil sa nCoV

Inanunsyo ng Philippine Sports Commission o PSC na “postponed indefinitely” ang ilang sports events sa bansa bilang pag-iingat laban sa 2019 Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease o nCoV ARD.

Kabilang sa mga ipinagpaliban ay ang National Sports Summit 2020, Philippine National Games, Children’s Games at iba pang aktibidad.

Ayon sa PSC, nagdesisyon ang komisyon na ipagpaliban ang nabanggit na sports events na kanilang mina-manage, upang maprotektahan ang mga atleta at ang mga tumatangkilik sa kanila.

May pormal na ring rekumendasyon ang PSC na i-postpone ang 2020 ASEAN Paragames na gagawin dapat sa bansa sa Marso ngayong taon.

Ito ay dahil pa rin sa banta ng nCoV ARD, na hindi lamang nakaka-apekto sa Pilipinas kundi sa iba pang mga bansa.

Sa board resolution ng PSC, isinusulong na i-reschedule ang multi-sports event, na may labing isang participating nations.

Pero aminado ang PSC na depende pa rin sa Philippine Paralympic Committee ang pagpapasya rito.

Inaasahan naman na bibiyahe ang ilang opisyal ng PPC patungong Thailand para makonsulta ang ASEAN Paralympic Sports Federation o APSF ukol sa pagpapaliban ng 2020 ASEAN Paragames.

Read more...