SPD director Brig. Gen. Nolasco Bathan sinibak dahil sa sugal
Patuloy sa paglilinis ng kanilang hanay ang Philippine National Police (PNP).
Sinibak ni PNP Chief Archie Gamboa si Southern Police District (SPD) director Police Brig. Gen. Nolasco Bathan.
Bunsod ito ng kabiguan ni Bathan sa kanyang kampaniya kontra sa mga ilegal na sugal sa kanyang nasasakupan.
Dalawa din hepe ng pulisya na nasa ilalim ng pangangasiwa ni Bathan ang inalis sa puwesto, sina Pasay City police chief, Col. Bernard Yang at Muntinlupa City police chief, Col. Gerardo Umayao.
Kamakailan lamang ay naging kontrobersiyal si Bathan matapos kumpiskahin ang cellphone ng isang TV reporter habang nagco-cover sa Traslacion ng Itim na Nazareno sa Maynila.
Samantala, sinibak din bilang hepe ng Caloocan City Police si Col. Noel Flores.
Wala pang inaanunsiyo si NCRPO director, Police Maj. Gen. Debold Sinas na kapalit ng mga nasibak na opisyal.
Kahapon, inanunsiyo sa Camp Crame ang pagsibak kay Brig. Gen. Val de Leon bilang director ng Central Visayas Regional Police Office, gayundin ng director ng Bulacan Provincial Police Office at isang mataas na opisyal ng PNP Highway Patrol Group.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.