Dahil sa pagka-inis na lagi na lang siya at ang munisipyo ang sinisisi sa abala ng isang ginagawang kalsada sa Mandaluyong City, nagpadala na ng liham si Mayor Benhur Abalos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ngalan ng kaniyang mga residente.
Sa ipinadalang liham ni Abalos kay DPWH Sec. Rogelio Singson, inilabas niya ang mga hinaing ng mga taga-Mandaluyong at ng mga motoristang dumadaan at naaabala sa Maysilo Circle, kung saan hindi na humupa ang baha.
Aniya, nagdudulot na ito ng kalituhan sa publiko dahil bagaman isa itong proyekto ng DPWH, akala ng karamihan ang lokal na pamahalaan ang may gawa nito kaya sila ang patuloy na sinisisi.
Binatikos ni Abalos ang mabagal umanong pag-usad sa nasabing proyekto na sinimulan mahigit dalawang taon na ang nakalilipas, at dahil dito, maraming motorista ang nahihirapang dumaan sa isa sana sa mga kalsadang magpapaluwag ng trapiko ngunit nawalan na ito ng silbi.
Lalong lumalala aniya ang baha doon, na sanhi rin ng pagsasara ng mga establisyimento sa kahabaan ng nasabing kalsada, at itinuturo na ring dahilan ng dumaraming kaso ng dengue sa kanilang lugar.
Dahil sa matinding pagka-dismaya, hiningan ni Abalos ang DPWH ng detalyadong plano ng nasabing proyekto, kung nasaang yugto na ba ang konstruksyon nito at ang timetable ng kagawaran para malaman kung kailan ba dapat ito matapos.
Ang mga impormasyong hinihingi ng tanggapan ni Abalos sa DPWH ay ipapaskil bilang public notice para malaman ng publiko kung ano na nga ba ang kahihinatnan ng proyektong dapat sana’y magpapagaan sa kanilang pang-araw araw na buhay, ngunit nagdulot lang ng matinding abala.
Pinakiusapan rin ni Abalos si Singson na maglabas ng pahayag na maglilinaw sa mga tao na sa kanilang proyekto ito at hindi ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong.
Ang mga posts sa social media patungkol sa hinaing ng mga tao sa nasabing isyu ang tila malakas na nag-tulak sa alkalde na idaan na sa pormal na paraan ang pag-puna sa serbisyo ng DPWH sa ngalan ng publikong naaabala.