Napakaraming tiwali sa pamahalaan – Ombudsman
Nanawagan si Ombudsman Conchita Carpio Morales sa mga botante na pumili ng kandidatong may integridad sa darating na halalan, kung nais talaga nila ng malinis na gobyerno.
Ayon kasi kay Morales, namumutiktik sa mga tiwaling opisyal ang pamahalaan, at patuloy pang namamayagpag ang kurapsyon sa bansa.
Bilang patunay, sinabi ni Morales na ang kaniyang opisina ay nakatanggap ng libu-libong reklamong katiwalian at mga kasong administratibo laban sa mga opisyal at tauhan ng pamahalaan.
Karamihan aniya sa mga bagong dating na isinampa ay kinsasangkutan ng mga lokal na opisyal na pumapalo sa 1,092, habang ang mga reklamo naman laban sa mga pulis ay umabot na sa 600.
Kabilang pa aniya sa mga opisyal na iniharap sa Ombudsman para imbestigahan ay iyong mga mula sa militar, mga kagawaran ng edukasyon, finance, natural resources, justice at agriculture.
Bukod doon, may mga galing rin sa mga tanggapan ng state universities and colleges, fire protection at jail management.
Sinabi na ito ni Morales bago pa man lumabas ang resulta ng 2015 Corruption Perception Index ng Transparency International, kung saan ang ranggo ng Pilipinas ay bumaba ng sampung pwesto.
Mula sa dating 95th, naging 85th na lamang ang Pilipinas, na isang magandang resulta dahil mas mataas ang ranggo, mas tiwali ang tingin sa isang bansa.
Apela ni Morales, hindi sapat na ang titingnan lang ng mga botante sa isang kandidato ay ang talino at pagiging competent nito, dahil mahalaga aniya na may integridad ang mga maluluklok sa pwesto sa pamahalaan, lokal man o pambansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.