Gobyerno hindi naglilihim sa sitwasyon ng mga pasyente ng nCoV ayon kay Pangulong Duterte
Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailanman ay hindi naglilihim ang pamahalaan sa tunay na sitwasyon ng mga pasyente na mayroong 2019 novel coronavirus sa bansa (2019 nCoV ARD).
Pahayag ito ng pangulo matapos kwestyunin ng ilan ang ginawang pag-anunsyo ng Department of Health (DOH) noong araw ng Linggo (February 2) na mayroong isang Chinese ang namatay dahil sa coronavirus gayung noong Sabado (February 1) pa pumanaw ang pasyente.
Ayon sa pangulo agad namang ipinagbigay-alam ng DOH nang makumpirma na novel coronavirus ang ikinasawi ng dayuhan.
Hindi naman kasi anya ikayayaman ng pamahalaan kung itatago ang pagkamatay dahil sa coronavirus.
Sinabi pa ng pangulo na naging transparent ang pamahalaan kahit na buhay pa ng tao ang nakataya.
Ayon sa pangulo wala namang mapapala ang pamahalaan kung itatago ito dahil hindi naman ito ‘treasure’.
At sinabi ng pangulo na hindi niya maintindihan kung bakit inaakusahan ang pamahalaan na naglihim gayung dapat itong ipaalam sa media pati na ipabatid sa publiko kung ano ang ginagawa ng gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.