Health advisory inilabas ng LRT-1 dahil sa banta ng nCoV
Naglabas na rin ang Light Rail Manila Corporation o LRMC ng health advisory para sa mga pasahero ng LRT-1, sa gitna ng pangamba sa 2019 Novel Coronovirus Acute Respiratory Disease o nCoV ARD.
Ipinaalala ng LRMC sa mga pasahero na dapat ay magsuot ng face mask, lalo na sa pampublikong lugar gaya sa mga istasyon ng LRT-1.
At maging mga gwardya ng LRT-1, pinagsusuot ng face mask.
Sa ngayon, magpapatupad pa rin ng istriktong inspeksyon sa mga pasahero. Ang mga nakasuot ng face mask, kailangan lang hubarin sandali ang suot na face mask at maaaring ibalik pagkatapos ng inspeksyon.
Ayon sa LRMC, ito ay kailangan at bahagi ng safety and security protocol.
Samantala, kapag nasa loob ng tren ay dapat na magtakip ng bibig at ilong kapag umuubo at bumabahing.
Sinabi pa ng LRMC, ugaliing maglinis ng kamay sa pamamagitan ng paghuhugas at paggamit ng alcohol o sanitizer.
Sa mga istasyon ng LRT-1, may alkohol at santizers sa mga bilihan ng mga tiket, na pwedeng gamitin ng mga pasahero.
Higit sa lahat, sinabi ng LRMC na agarang komunsulta sa mga doktor o health facility kung makaramdam ng sintomas ng ubo at sipon ang mga pasahero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.