Mariing itinatanggi ng tagapagsalita ni Lt. Col. Ferdinand Marcelino na si Major Vonne Villanueva ang bintang ng Philippine National Police Anti IIlegal Drugs Group o PNP-AIDG na umano ay nakikinabang at kumikita ang opisyal sa ilegal na droga.
Ayon kay Villanueva, sinadya ng PNP-AIDG ang pagpapakita ng mga bank transaction ni Marcelino upang siraan ang opisyal.
Paliwanag ni Villanueva, itinago ni Marcelino ang kanyang AFP passbooks at bank receipt bilang bahagi ng kanyang personal na financial at confidential operational fund records nang siya ay miyembro pa ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines o ISAFP.
Noong Huwebes, inanunsiyo ni AIDG spokesperson Chief Inspector Roque Merdegia na nakikipag-ugnayan sila sa Anti-Money Laundering Council upang usisain ang financial records ni Marcelino.
Ani Merdeguia, kasama sa mga nasabat nila sa isinagawang drug raid operation sa isang townhouse sa Sta. Cruz, Manila ang labing tatlong bank deposit slips ni Marcelino.
Base aniya sa mga bank deposit, nag withdraw si Marcelino ng nagkakahalagang 2.25 milyong piso simula May 2014 hanggang March 2015.
Handa naman ani Villanueva na pumirma si Marcelino ng waiver para sa AMLC bilang pagsunod sa batas.