2,000 buntis, apektado ng Zika virus sa Colombia

ZIKAUmabot na sa mahigit dalawang libong buntis ang natamaan ng Zika virus sa Colombia.

Ito ay sa gitna ng pagkalat ng nasabing virus na maaari umanong magdulot ng brain damage sa mga sanggol.

Base sa ulat ng National Health Institute o NHI, lumalabas na umabot na sa 20,297 ang kaso ng Zika virus sa Colombia kabilang na ang 2,116 na buntis.

Ayon pa sa NHI, sa mahigit 20,000 na kaso ng Zika virus sa Colombia, 1,050 dito ay nakumpirma na sa pamamagitan ng laboratory tests, 17,115 sa clinical exams at 2,132 dito ang pinaghihinalaan pa lamang.

Lumalabas din na 63.6 percent ng Zika virus cases sa Colombia ay mga kababaihan.

Dahil sa nasabing bilang, pangalawa na ang Colombia sa mga bansang pinaka-apektado ng Zika virus kasunod ng Brazil kung saan nagsimula ang outbreak.

Pinaniniwalaang konektado ang mosquito-borne virus sa mga kaso ng Microcephaly na isang sakit na wala nang lunas at kung saan ang isang sanggol ay ipapanganak na maliit ang ulo at utak.

Una nang nagbabala ang World Health Organization na kumakalat na ang virus sa America at inaasahang aabot sa tatlo hanggang apat na milyong kaso ang maitatala ngayong taon.

Read more...