Sinabi ni Usec. Eric Domingo, ngayong araw pormal na idineklara ng World Health Organization (WHO) ang pagkalat ng 2019- NCov ARD bilang isang Public Health Emergency of International Concern.
Ginawa ang deklarasyon matapos mag-convene ang emergency committee sa Geneva, Switzerland kahapon.
Sa kabila nito, nilinaw ng DOH na base na rin sa assessment ng WHO Emergency committee on Novel coronavirus, hindi nito inirerekomenda ang pagpapataw o imposition ng travel ban o trade restrictions ng mga bansang apektado ng naturang sakit.
Pero, ginagalang umano nito ang kapangyarihan ng bawat miyembrong bansa na magpatupad ng travel ban sa layong protektahan ang kalusugan ng kanilang mamamayan.
Sa kasalukuyan may ipinatutupad nang temporary travel ban ang pamahalaan sa lahat ng pasahero mula sa Hubei province.
Ayon kay Usec. Domingo, irerekomenda ng DOH ang pagpapalawig pa o expansion ng travel ban sa mga probinsiya sa China na apektado na rin ng nCoV.