Mga empleyado na may trangkaso dapat pauwiin na lang – Sen. Villanueva
Hindi na dapat magdalawang-isip ang mga kompaniya na pauwiin ang mga empleado nila na may trangkaso o may anuman sintomas ng novel corona virus.
Ito ang sinabi ni Sen. Joel Villanueva dahil aniya dapat ikunsidera ng mga kompaniya ang kapakanan ng kanilang buong organisasyon.
Kasabay nito, hinikayat ng namumuno sa Senate Labor Committee na magpalabas ng labor advisory ang DOLE sa mga pribadong kompaniya para paalahanan ang mga ito ng kanilang mga obligasyon na sumunod sa Occupational Safety and Health Law.
Dapat aniya samantalahin ng kagawaran ang pagkakataon na batid na ng publiko kung ano ang magagawa ng NCoV at dapat ay prayoridad ng mga kompaniya ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga empleado o manggagawa.
Dagdag pa ni Villanueva dapat ay maalis sa isipan ng mga kompaniya na maari nilang paikutin ang naturang batas.
At para naman hindi maapektuhan ang operasyon ng kompaniya, hinihikayat ng senador ang pribadong sektor na ipatupad ang RA 11165 o ang Telecommuting Law, kung saan maaring gawin ng empleado ang kanyang trabaho sa labas ng opisina kung nararapat rin naman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.