Konstruksyon ng LRT-2 East Extension Project, 76.90 porsyento nang tapos
Malapit nang matapos ang konstruksyon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) East Extension Project.
Sa progress report ng Department of Transportation (DOTr), 76.90 porsyento nang tapos ang konstruksyon sa proyekto hanggang sa pagtatapos ng 2019.
Ang 3.8-kilometer rail extension line ay magkokonekta sa LRT-2 end point na Santolan Station hanggang Masinag, Antipolo City.
Ayon sa kagawaran, may tatlong package ang nasabing protekto.
Kabilang dito ang konstruksyon ng viaduct na 100 porsyento nang tapos; disenyo at patatayo ng dalawang karagdagang istasyon na 96.12 porsyento nang kumpleto.
Itinayo ang Emerald Station sa Marikina City at Masinag Station sa Antipolo City.
Samantala, 37.56 porsyento nang tapos ang disenyo at pagsasagawa ng trackworks at electromechanical component system.
Oras na matapos ang konstruksyon, mula sa dating tatlong oras na biyahe sa pamamagitan ng PUB o PUJ mula Maynila hanggang Antipolo at pabalik, magiging 40 minuto na lamang ang travel time.
Inaasahan ding madaragdagan ng 80,000 pasahero ang maa-accommodate nito kada araw.
Samantala, nag-abiso ang DOTr sa publiko na suspendido ang operasyon mula Santolan hanggang Anonas bunsod ng nasabing proyekto.
Magbabalik anila sa normal ang operasyon sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.