Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, hindi rin tama na isipin ng mga Filipino na lahat ng mga Chinese ay may sakit na nCoV.
Hindi rin aniya solusyon ang gusto ng ilan na huwag nang papasukin ang mga Chinese sa bansa dahil hindi naman nakasisigurong maiiwasan talaga ang nakakahawang sakit lalo’t kumalat na rin ang nCoV sa maraming bansa.
Sinabi ni Zarate na ang dapat gawin ng gobyerno ay maging pro-active at bantayan hindi lamang mga Chinese kundi lahat ng lahi pati na rin ang mga kababayan.
Umapela rin ang grupo na kumilos na ang mga ahensya ng gobyerno laban sa nakakahawang novel coronavirus.
Ayon kina Gabriela Rep. Arlene Brosas at ACT Teachers Rep. France Castro, bukod sa Department of Health (DOH) ay dapat na ring kumilos ang Department of Interior and Local Government (DILG) na siyang nakakasakop sa mga local government unit (LGU) hanggang sa barangay.
Mahalaga anilang naipapaabot hanggang sa barangay ang impormasyon sa pag-iwas at paglaban sa sakit na kumitil na ng 170 katao at naka-infect na ng 7,700.
Bukod sa mga LGU ay dapat ding palakasin ang mga barangay rural health areas para sa pangangalaga ng kalusugan ng constituents.