1 jail guard patay, pulis sugatan sa jailbreak sa Batangas

By Den Macaranas January 30, 2016 - 10:38 AM

BJMP
Inquirer file photo

Patay ang isang jail guard samantalang sugatan naman ang isang pulis sa naganap na jailbreak sa Balayan Batangas kaninang umaga.

Sa paunang imbestigasyon ng Balayan Municipal Police Station, gumamit ng kwerdas ng gitara ang mga tumakas na inmates na nakilalang sina Ajie Mendoza, Marvin Serlabo at Jessie Pega.

Nang sila’y makalabas sa detention cell ay kaagad nilang inagawan ng baril ang Jail Guard na si Senior Jail Officer 1 Leonardo de Castro at nang maagaw ang armas ay kaagad nila itong binaril sa ulo na naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Nang marinig ang putok ng baril ay kaagad namang rumesponde si PO3 Manuel Botavera na pinagbabaril din ng mga suspects bago mabilis na tumakas.

Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang katawan ang pulis na si Botavera na kasalukuyang ginagamot sa Madonna General Hospital sa bayan ng Balayan.

Isang tracking team na ang binuo ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police at Bureau of Jail Management and Penology para hanapin ang mga tumakas na suspects.

TAGS: Balayan, BJMP, Jailbreak, PNP, Balayan, BJMP, Jailbreak, PNP

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.