Mga Pinoy mula Wuhan City, isasailalim sa quarantine sa loob ng 14 na araw kapag naiuwi sa bansa – DOH

Naghahanda na ng chartered flights ang pamahalaan para sunduin ang mga Filipino na nasa Wuhan City.

Ayon kay Health Sec. Francisco Duque III, pinaghahandaan na ng Civil Aviation Board (CAB) ang proseso para masundo ang nasa 150 mga Pinoy.

Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Duque na sa sandaling maiuwi dito sa Pilipinas ang mga Pinoy ay isasailalim sila sa quarantine sa loob ng 14 na araw.

Kung wala silang sintomas sa loob ng 14 na araw ay saka sila pauuwiin sa kanilang mga pamilya.

Sa ngayon nananatiling novel coronavirus free ang Pilipinas.

Sa 24 na patients under investigation, mayroong 6 na for confirmation at ang samples na kinuha mula sa kanila ay pinadala na sa Melbourne, Australia.

Read more...