Sa naging proposal ni House Majority Leader Martin Romualdez, sinabi nito na kailangang matanong ng mga kongresista si Duque para alamin ang gagawing hakbang ng pamahalaan sakaling magkaroon ng outbreak ng nCoV sa bansa.
Ang hakbang ni Romualdez ay kasunod ng privilege speech ni House Committee on Health Chair Angelina Tan kung saan kinukwestyon nito ang kahandaan ng gobyerno sa nasabing sakit.
Nilinaw naman ni Romualdez na ang ‘Question Hour’ privilege ay hindi uri ng imbestigasyon “in aid of legislation” kundi ito ay pagpapatupad ng oversight function ng Kamara para mapahupa ang takot ng publiko sa pagkalat ng nCoV.
Aalamin din ng mga kongresista kay Duque kung may katotohanan ang kumakalat na balita na kumalat na ang infection sa ilang bahagi ng bansa.
Matagal nang ginagawa ng Kamara ang question hour pero ito ang unang pagkakataon na gagawin ulit ito sa ilalim ng pamunuan ni House Speaker Alan Peter Cayetano.