Pagkain ng mga exotic food, hilaw na karne iwasan muna dahil sa nCov infection

Pinapayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na umiwas na muna sa pagkain ng mga exotic food, kilawin o mga hilaw na karne.

Pahayag ito ng DOH sa gitna ng paglaganap ng sakit na novel coronavirus.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Health secretary Francisco Duque III na huwag na munang kumain ng karne ng aso, pusa, daga, bayawak at iba pa.

Payo ni Duque, kung kakain ng karne, tiyakin na matagal ang pagkakaluto para masigurong patay ang mikrobyo.

Iginiit ni Duque na marami nang sakit ang tao na nakukuha sa pagkain sa mga hayop.

Inihalimbawa ni Duque ang sakit na severe acute respiratory syndromes o SARS, African Swine Fever (ASF), Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus o MersCov at iba pa.

Ito aniya ang tinatawag na zoonotic transmission na ang ibig-sabihin ay ang mga sakit na nakukuha ng tao sa pamamagitan ng pagkain ng iba’t ibang hayop.

Sa pinakahuling talaan ng health officials, mahigit sa 50 katao na ang namatay sa China dahil sa novel coronavirus.

Read more...