Dating US Ambassador Jose Cuisia pinagsabihan ng Malakanyang tungkol sa VFA
Magbasa ka muna.
Ito ang naging tugon ng Malakanyang sa pahayag ni dating US Ambassador Jose Cuisia na malalagay sa peligro ang kampanya ng bansa kontra sa terorismo kung itutuloy ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Visiting Forces
Agreement (VFA) ng Pilipinas at Amerika.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mas makabubuti kung babasahin muna ng dating ambassador ang kabuuang nilalaman ng VFA.
Malinaw kasi aniya na nakasaad sa VFA na binibigyan lamang ng prebilihiyo ang mga Amerikanong sundalo na nasa Pilipinas.
Halimbawa ayon kay Panelo ang pagpayag ng Pilipinas na makapunta sa bansa ang mga barko ng Amerika, hindi pag-require sa mga Amerikanong sundalo ng visa at passport at higit sa lahat ang kawalan ng Pilipinas ng hurisdiksyon sa mga Amerikanong sundalo na nagkakasala dito.
Sinabi pa ni Panelo na ang problema sa dating ambassador ay hindi niya alam ang kanyang mga sinasabi.
Binigyang-diin pa ni Panelo na hindi maapektuhan ang kampanya ng pamahalaan kontra terorismo dahil nananatiling malakas ang puwersa ng sandatahang lakas ng Pilipinas.
Matibay pa rin aniya ang relasyon ng Pilipinas at Amerika kahit wala na ang VFA dahil nananatili pang selyado ang Enhanced Defense Cooperation at Mutual Defense Treaty ng dalawabg bansa.
Una rito sinabi ni Cuisia na peligroso ang desisyon ng pangulo na ibasura ang VFA dahil malalagay sa alanganin ang kampanya ng Pilipinas kontra terorismo kung mawawala ang ayuda ng Amerika.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.