Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum, maga pa rin ang western side ng Taal Volcano.
Ibinaba aniya sa alert level 3 ang alerto ng Bulkang Taal dahil sa bahagyang paghupa ng aktibidad nito.
Gayunman, ayon kay Solidum, hindi nangangahulugan na hindi na ito sasabog ng malakas.
Huminto lang aniya sa pag-akyat ang magma sa ilalim ng bulkan pero patuloy itong kumikilos.
“Hindi nangangahulugan na hindi na sasabog, may overall decrease lang,” ani Solidum.
Dagdag pa ni Solidum, dalawa ang pwedeng mangyari sa bulkan, una ay mapatuloy na mabawasan ang aktibidad nito na maaring magresulta sa pagbaba sa alert level 2.
At ikalawa ay maaring magkaroon pa ng senyales ng pagtindi ng pag-aalburuto nito dahilan para posibleng ibalik ito sa alert level 4.
Payo ng Phivolcs sa publiko manatiling mapagmatyag at makinig sa payo ng mga otoridad.