Mga residente sa Batangas maliban sa Agoncillo at Laurel, maaari nang umuwi sa kanilang tahanan

Maaari nang umuwi ang mga residente sa ilang bayan sa Batangas maliban lamang sa Agoncillo at Laurel.

Sa isang press conference, sinabi ni Batangas Governor Hermilando “Dodo” Mandanas na binibigyan na ng opsyon ang mga residente kung nais nilang umuwi sa kani-kanilang tahanan sa Alitagtag, Balete, Cuenca, Lemery, Lipa City, Malvar, Mataas na Kahoy, San Nicolas, Sta. Teresita, Taal, Talisay at Tanauan City.

Ito ay matapos ibaba ng Phivolcs sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal.

Gayunman, kailangan pa rin aniyang manatiling alerto ang mga residente.

Kailangan din aniyang ikonsidera ang ash fall, mga sirang bahay, kalsadang may fissures o bitak sa lupa, walang kuryente at tubig.

Sinabi ni Mandanas na total lockdown pa rin ang ipinatutupad sa bayan ng Agoncillo at Laurel.

Tiniyak din nito na patuloy pa rin ang pagtulong ng gobyerno sa mga evacuation center.

Pinag-iisipan na aniya kung saan maaaring ilipat ang mga bakwit mula sa mga eskwelahan patungo sa iba pang evacuation center.

Read more...