Pagtaas ng bilang ng mga Filipino na nagsabing sila ay mahirap, ipinagkibit-balikat ng Palasyo
Ipinagkibit balikat lamang ng Palasyo ng Malakanyang ang panibagong survey ng Social Weather Stations na tumaas ang bilang ng mga Filipino na ikinokonsidera ang kanilang sariling mahirap.
Base sa survey ng SWS sa ikaapat na quarter ng 2019, tumaas sa 54 percent ang bilang ng mga Filipino na nagsabing mahirap sila kumpara sa 42 percent na naitala noong Setyembre 2019.
Ito na ang pinakamataas na self-rated poverty record mula noong 2014.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na makababawi ang gobyerno dahil magagaling naman ang mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Katunayan, sinabi ni Panelo na maraming incoming projects na ikinakasa ang pamahalaan.
Nangangahulugan aniya ito ng maraming trabaho.
Kapag nagkataon, marami aniya sa mga Filipino ang magkakaroon ng pagkakataon na gumanda ang kanilang pamumuhay.
“Marami tayong incoming projects. Sunud-sunod na nag-umpisa na. Oh eh di syempre maraming trabaho. Maraming kababayan na mahihirap na magkakaroon ng pagkakataon na gumanda ang kanilang buhay,” ani Panelo.
Nagawa na rin aniya ng economic managers na makontrol noon ang inflation.
“Ang ating economic managers magagaling sila eh, they were able to neutralize the high inflation rate sa panahon na mataas nakagawa sila ng kapraanan para makontrol nila. So siguro alam na rin nila ang kanilang gagawin,” dagdag ni Panelo.
Normal na aniyang tumataas o bumababa ang bilang ng mga Filipinong mahihirap.
Maari kasi aniyang nagkataon na ginawa ang survey at natanong ang isang Filipino na walang trabaho o natapos na ang kontrata o proyekto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.