3, kabilang ang isang pulis, timbog dahil sa pagnanakaw ng motorsiklo sa QC

Inquirer file photo

Arestado ang tatlo katao matapos mapaulat na sangkot sa insidente ng pagnanakaw sa Quezon City.

Sa inilabas na ulat, sinabi ni Brig. Gen. Ronnie Montejo, director ng Quezon City Police District (QCPD) na ikinasa ang entrapment operation sa isang restaurant sa bahagi ng Quirino Highway sa Barangay Greater Largo bandang 9:00, Biyernes ng umaga.

Ini-report kasi ng biktima sa Novaliches police station ang pagnanakaw sa kaniyang motorsiklo ng mga suspek na sina Allan Hermosa, 37-anyos, at Carlito Felicitas, 32-anyos, habang nakaparada sa isang grocery store sa Barangay Nova Proper noong Abril noong nakaraang taon.

Napag-alaman ng biktima na ibinebenta ni Hermosa ang kaniyang motorsiklo sa pamamagitan ng social media.

Nakuha naman sa mga suspek ang ilang parte ng ninakaw na motorsiklo.

Ayon pa sa QCPD, itinuro ng dalawa na si Police Cpl. Michael Dela Cruz, 27-anyos, ang nag-utos sa kanila na ibenta ang mga parte ng motorsiklo sa pamamagitan ng social media.

Dinala si Dela Cruz sa QCPD Criminal Investigation and Detection Unit para sa isasagawang imbestigasyon at pagsasampa ng kasong administratibo.

Mahaharap din ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa car theft at Anti-Fencing Law.

Read more...