Manila Bureau of Permits binalaan ang mga tindahan na magbebenta ng overpriced na facemasks
Nagbabala ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa mga negosyante na magsasamantala sa halaga ng face masks.
Ayon kay Levi Facundo, Hepe ng Manila Bureau of Permits,sinuman na mapatutunayang labis na magpapataw sa presyo ng face masks ay pananagutin nila sa batas.
Babala ito ni Facundo sa gitna nang inaasahang pagtaas ng demand ng face masks dahil sa banta ng 2019 Novel coronavirus na unang kumalat sa Wuhan, China.
Ayon kay Facundo, padadalhan nila ng show cause order ang mga tindahan na mapatutunayang overpriced ang face masks at maaring pagmultahin at kung matindi ang paglabag ay maaring umabot pa sa kanselasyon ng kanilang business permit.
Ayon kay Facundo sa ngayon, ang katanggap-tanggap na presyo ng mga N95 mask ay dapat na mula lamang sa P50 hanggang P100 kada piraso depende sa brand.
Una nang nadiskubre kamakailan na may ilang mga negosyante sa Bambang sa Sta. Cruz, Maynila ang nagbebenta ng overpriced face masks na umaabot sa P120 hanggang P200 mula sa orihinal na presyong P85 lamang kada piraso.
Kasama din sa minomonitor ng mga otoridad ang posibleng hoarding ng supply ng face masks na maaring ibineta online sa mas mataas na halaga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.