DENR at BOC officials na isinasangkot sa pagpasok ng hazardous waste galing Canada kinasuhan na
Matapos ang siyam na buwan, naisampa na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang kaso laban sa walong opisyal at kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Bureau of Customs (BOC) na isinasangkot sa iligal na pagpasok ng mga basurang galing Canada.
Kasong paglabag sa R.A. 3019, o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at RA 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990 ang isinampa laban kina DENR Undersecretary Juan Miguel Cuna, DENR Environmental Management Bureau personnel na sina; Irvin Cadavona, Gero Geronimo Sanez, at Renato Cruz.
Kinasuhan din ang apat na mga personnel ng Bureau of Customs (BOC) na kinabibilangan nina Benjamin Perez Jr., Eufracio Ednaco, Matilda Bacongan, at Jose Saromo.
Ayon kay NBI Director Dante Gierran, ginawa nila ang pagsasampa ng kaso alinsunod sa kautusan ni Justice Secretary Medardo Guevarra, matapos ang ginawang imbestigasyon ng kanilang mga ahente sa mga taong responsable sa pagpasok ng tone-toneladang mga basura galing Canada.
Batay sa ginawang imbestigasyon ng NBI-environmental crime division, sangkot ang mga nasabing indibidwal sa pag-isyu ng ng import clearance sa Chronic Plastics Inc., Canada para sa pagpasok ng scrap plastic materials sa kabila ng kabiguan nitong maibigay ang mga kinakailangang impormasyon na hinihingi sa pagkuha ng nasabing dokumento.
Hindi din nagawa ng mga EMB Personnel ang pagsusuri sa aplikasyon ng nasabing kumpanya bago inaprubahan ang registration ng kumpanya bilang importer at nagawang makakuha ng rekumendasyon para itoy maaprubahan ng EMB Director.
Nagawa din mabago ng mga nakatalagang BOC examiner at appraiser ang tagging ng kargamento mula sa “yellow”, ay ginawang “green”, at “red” ay nagawang “green”kayat naipagpatuloy ang pagpasok ng mga basura galing canada sa bansa.
Matatandaan, mismong si pangulong rodrigo duterte na ang nagbanta na ibabalik nito ang 103 containers na nagmula sa canada matapos madiskubreng mga basura na tulad ng diapers, plastic bottles, plastic bags, ang mga laman nito na dumating sa bansa nung 2013 at 2014.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.