Ayon kay Civil Aviation Authority Philippines (CAAP) Spokesperson Eric Apolonio, ang nasabing mga Chinese National ay pawang galing sa Wuhan City at nakapasok sa Kalibo International Airport bago pa man maipatupad ang suspensyon sa biyahe ng mga eroplano mula at patungong Wuhan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni Apolonio na simula ngayong araw hanggang bukas araw ng Sabado mayroong dalawang flight na aalis mula Kalibo patungong Wuhan para ibalik ang mga Chinese na turista.
Sa kabila aniya ng lockdown sa Wuhan City ay pinayagan naman na makalapag ang eroplano sa paliparan doon upang maibalik ang mga dayuhan.
Pagbalik ng Pilipinas ng eroplanong maghahatid sa kanila ay wala na aniyang isasakay na dayuhan mula Wuhan.
Tiniyak din ni Apolonio na sumailalim lahat sa screening ang naturang mga dayuhan mula Wuhan City dahil sa eroplano pa lamang ay kinuhanan na sila ng temperatura.
Magpapatuloy ang suspensyon sa biyahe ng mga eroplano mula at patungong Wuhan City hangga’t umiiral pa ang novel coronavirus scare.