Colorum na courier services ginagamit sa ilegal na droga ayon sa Citizens Crime Watch
Maliban sa reklamong tumatakbo nang walang permiso at walang lisensiya, pinaniniwalaang nagagamit sa pagkakalat ng ilegal na droga at pagpupuslit ng mga kontrabando ang ilang colorum courier services.
Ito ang inihayag ngayon ng Citizens Crime Watch (CCW) matapos na tumanggap ng maraming reklamo mula sa publiko at ang panawagang magsagawa ng imbestigasyon laban sa mga kumpanyang ito.
Ayon sa CCW, isang 21-taong anti-crime watchdog, ilan sa mga reklamo ay ang kabiguang maihatid ang mga delivery at pagnanakaw.
Sa isang pahayag balitaan, sinabi ni Atty. Ferdinand Topacio, chief legal counsel ng CCW, na inirekomenda niya kay CCW president Diego Magpantay na aksiyunan ang mga reklamo laban sa mga kumpanyang courier services.
“Kung agad na kikilos ang CCW, hihilingin namin kay Department of Information, Communication and Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan na aksiyon agad ang dumaraming reklamo ng publiko,” ani Topacio.
Dagdag ni Topacio, nabatid niya na nagbigay babala na ang DICT sa mga walang rehistrong kumpanya, pero walang ginagawa upang ang mga ito ay maisara.
Nagtataka si Topacio kung bakit natatagalan kung bakit walang aksiyon ang DICT.
Marahil, hinala ni Topacio na may ilang tauhan si Sec. Honasan na nakikinabang sa operasyon ng mga colorum courier services.
“We are at a loss as to why it is taking DICT so long to act on it. Maybe there are subordinates of Sec. Honasan who are financially interested in undermining his efforts at effectively regulating the courier industry,” sabi ni Topacio.
Nais ng CCW na hilingin sa liderato ng Kamara de Representantes na imbestigahan ito, kaugnay ng pagsisiwalat ni BUHAY partylist Representative Lito Atienza tungkol sa ilegal na operasyon ng courier services.
Umano, ilan sa mga ito ay pagmamay-ari ng mga dayuhan, na lantaran na pinatatakbo nang labag sa batas at sa regulasyon ng bansa.
Batay sa rekord ng DICT, umaabot sa 118 courier services ang binigyan ng akreditasyon ng kagawaran, samantalang may umiikot na “white paper” na binabanggit ang Ninja Van, Entrego at JnT Express na ilan sa mga kolorum na courier services.
Binanggit ni Atty. Topacio na bukod sa paglabag sa mga regulasyon, walang takot na nilalabag din ng mga kompanyang ito ang mga batas sa paggawa tulad ng mababang pasahod, kawalan ng benepisyo sa kalusugan, pati ang kapakanan at kaligtasan ng mga tagahatid ng kargamento at deliveries.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.