4 na Chinese na nahaharap sa iba’t ibang kaso, iniharap ng NBI sa media

Iniharap sa mga mamamahayag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang apat na chinese nationals na kanilang naaresto sa kasong kidnapping at serious illegal detention.

Kinilala ng NBI ang mga dayuhan na sina:
– Chen Zhimin
– Luo Canfeng
– Li Jai Huang
– Wang Yiping

Ayon kay NBI spokesman at Deputy Director Ferdinand Labin, sangkot ang mga suspek sa pagdukot sa kanilang kababayan na si Han Yang Liu, isang empleyado ng offshore gaming na dinukot sa isang hotel sa Malvar Street sa Malate, Maynila noong Enero 18.

Tinangkang hingan ng halagang P200,000 ng mga suspek ang biktima kapalit ng kanyang kalayaan.

Ang nasabing halaga ay mula sa sinasabing naging utang sa pagsusugal ng biktima.

Pero nagawang makahingi ng tulong ng biktima sa NBI at naisagawa ang entrapment at rescue operation sa kanya sa isang hotel sa Maynila.

Sa pagsagip kay Han, naligtas din ng mga ahente ng NBI ang dalawang iba pang mga biktimang Chinese na dinukot din ng mga suspek at pinagbantaang papatayin kung hindi makakapagbigay ng P600,000.

Read more...