Mga paliparan at pantalan, mahigpit na binabantayan vs banta ng coronavirus sa bansa

Nagpatupad ang Department of Transportation (DOTr) ng mas mahigpit na pagbabantay sa mga paliparan at pantalan kasunod ng banta ng bagong coronavirus strain sa bansa.

Sa inilabas na pahayag, ipinag-utos ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa mga pinuno ng Aviation, Airports at Maritime sectors na magpatupad ng lahat ng kinakailangang safety measures laban sa coronavirus.

“Please adopt all measures necessary and expedient to address the issue on coronavirus, considering world developments and the influx of passengers expected this Lunar New Year,” ani Tugade.Kasunod nito, tuloy ang pakikipag-ugnayan ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Jim Sydiongco sa Department of Health (DOH) at Bureau of Quarantine (BOQ) para suportahan ang mga hakbang sa pagbabantay sa mga paliparan laban sa coronavirus.

Mahigpit ding binabantayan ang mga dumarating na pasahero lalo na sa Kalibo International Airport na mayroong direct flight mula Wuhan City, China.

Sinabi pa ni Sydiongco na nagparating na ang Royal Air na posibleng suspendihin ang direct flights nila mula Kalibo hanggang Wuhan at pabalik habang hindi pa nakokontrol ang coronavirus.

Ni-reactivate rin ng CAAP ang kanilang communicable disease preparedness procedures sa lahat ng CAAP-operated airports lalo na s international gateways sa bahagi ng Puerto Princesa, General Santos, Zamboanga, Davao, Kalibo, Laoag, at Iloilo.

Inabisuhan din ang mga airport personnel na maging alerto sa pag-asiste sa mga pasahero at maging istrikto sa pag-monitor sa mga pasahero na posibleng infected ng nasabing virus.

Paiigtingin din ang paglalabas ng public advisories para ipagbigay-alam sa mga pasahero ang mga impormasyon ukol sa coronavirus.

Samantala, nagpahayag din si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal na nakikipag-ugnayan sila sa BOQ para suportahan ang kanilang safety protocols.

Ayon naman sa Philippine Ports Authority (PPA), nakikipag-ugnayan na ang lahat ng pantalan sa quarantine office at pagpapatupad ng istriktong passenger screening sa arrival areas.

Inabisuhan na rin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang lahat ng kanilang medical units sa 13 Coast Guard Districts na maging alert para iwasan ang pagkalat ng hinihinalang coronavirus.

Hinikayat naman ni Tugade ang publiko na makipagtulungan sa mga otorodad at maging maingat sa pagbiyahe.

Read more...