Aquino administration, bigo umanong protektahan ang human rights sa bansa

pnoyBigo umano si Pangulong Benigno Aquino III na tuparin ang isa sa kaniyang mga pinangako mula nang siya’y maluklok sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.

Nangako kasi noon ang Pangulo na pagbubutihin ang lagay ng karapatang pantao sa bansa, ngunit nabatid ng Human Rights Watch na napako lamang ito.

Ayon sa kanilang deputy Asia director na si Phelim Kine, bagaman kumaunti ang mga seryosong pag-labag sa karapatang pantao sa bansa, nagpatuloy naman ang mga pagpatay sa mga prominenteng aktibista.

Kakaunti rin lang anila ang mga naging matagumpay na prosecutions na nangangahulugan ng pagkabigo sa pag-pigil ng mga pang-aabuso sa mga karapatang pantao sa hinaharap.

Ang naging basehan ng nasabing organisasyon ay ang mga naganap na pagpatay sa mga Lumads o mga katutubo partikular na sa Mindanao noong nakaraang taon.

Parehong ang mga militar at mga paramilitary groups ang itinurong nasa likod ng mga pagpatay sa mga Lumad.

Sa kanilang ulat, siyam na mamamahayag rin ang napatay sa taong 2015, at tatlo sa kanila ay sa loob lamang ng sampung araw sa buwan ng Agosto.

Hindi rin umano natinag ang mga pagpatay sa mga petty criminals, mga tulak ng droga at iba pa sa pamamagitan ng death squads.

Dahil din sa pagkaka-ipit sa gulo ng mga militar at rebeldeng grupo, maraming kabataan ang natigil sa pag-aaral, habang pinuna rin ng grupo ang pag-kuha sa mga palaboy sa kalsada tuwing may malalaking kaganapan sa Maynila.

Ani Kine, samu’t sari ang mga naglutangan na isyu hinggil sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Aquino, na nagbunsod sa kabiguan ng Pangulo na panindigan ang pagpapatupad ng reporma para protektahan ang mga ito.

Dagdag pa niya, ang susunod na presidente ay dapat handang talakayin ang mga pang-aabuso ng mismong mga pwersa ng pamahalaan, ng mga tiwaling opisyal at ng hindi makatarungang sistema ng hustisya sa bansa.

Read more...