Patuloy pa ring nakakaapekto ang Northeast Monsoon o Amihan sa malaking parte ng bansa, ayon sa PAGASA.
Sa weather forecast bandang 4:00 ng hapon, sinabi ni PAGASA weather specialist Raymond Ordinario na makararanas pa rin ng malamig na temperatura sa madaling-araw dahil sa maninipis na kaulapan bunsod ng Amihan.
Asahan naman aniya na magiging maayos ang lagay ng panahon sa buong Luzon maliban sa mga mahihinang pag-ulan.
Samantala, sa abiso ukol sa pag-aalboroto ng Bulkang Taal, iiral naman aniya ang maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Batangas, Cavite at Laguna.
Ani Ordinario, kapag ang taas ng ibinubugang abo ng bulkan ay nasa 5 kilometero pababa, maaapektuhan nito ang mga munisipalidad sa Kanluran at Hilagang-Kanlurang bahagi ng Taal.
Sakali naman lumakas ang inilalabas nitong abo at umabot sa 7 kilometro ang taas o higit pa ay maaaring maapektuhan nito ang Kanlurang bahagi ng Laguna at Quezon.
Wala pa rin aniyang inaasahang mamumuong bagyo o anumang weather disturbance sa susunod na tatlo hanggang limang araw.