Taliwas sa iginigiit ni Senate President Franklin Drilon na labag sa batas ang isapubliko ang audio recording na hinggil sa umano’y cover-up sa Mamasapano incident, may ibang gusto pa ring ilabas ito ng Senado.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, wala siyang nakikitang posibleng maging problema sakali mang i-play ang nasabing pag-uusap sa pagitan ng isang opisyal ng pamahalaan at isang mambabatas na nilalaman ng audio recording na hawak ni retired Chief Supt. Diosdado Valeroso.
Ani Angara, wala itong lalabaging batas lalo na kung wala namang magre-reklamo o hindi naman ito pipigilan ng mga taong sangkot sa nasabing pag-uusap.
Naka-depende na aniya ito sa magiging pagtanggap ng mga miyembro ng kumite dahil tulad niya, mayroong mga nais marinig ito, habang may iba naman na inaalala ang Anti-Wiretapping Law kaya’t ayaw itong payagan.
Nilinaw naman ni Angara na pwede rin naman nila itong pakinggan o siyasatin nang hindi kinakailangang isapubliko.
Matatandaang nagpahayag rin si Sen. Grace Poe na chairman ng committee on public order and dangerous drugs ng interes sa nasabing maaring maging mahalagang ebidensya para sa imbestigasyon sa pagkamatay ng SAF 44 sa Mamasapano incident.
Ngunit kinontra nga ito ni Drilon dahil ito raw aniya ay lalabag sa Anti-Wiretapping Law at bilang mga mambabatas, kailangan nilang ipakita na sinusunod nila ang batas.