Macau, nakapagtala ng unang kaso ng coronavirus
Nakapagtala ng unang kaso ng SARS-like coronavirus sa Macau.
Sa isang panayam, sinabi ni Lei Chin-lon, pinuno ng health bureau sa Macau, na nagpositibo sa coronavirus ang 52-anyos na negosyanteng babae mula sa Wuhan City, China.
Ito ay matapos makitaan ng sintomas ng pneumonia ang pasyente.
Dumating aniya ang pasyente sa Macau sa pamamagitan ng high-speed rail noong araw ng Linggo.
Nanatili aniya ang babae sa New Orient Landmark Hotel kasama ang dalawang kaibigan nito.
Dahil dito, tinutututukan na rin ng mga otoridad ang dalawang kaibigan ng babae.
Sinabi naman ni Social Affairs and Culture Secretary Ao Ieong Iu na ipinag-utos na ang pagsusuot ng face mask sa lahat ng casino.
Lahat din aniya ng darating sa entry ports ay kinakailangang mag-fill out ng health declaration forms.
Tiniyak din nito na mahigpit silang makikipag-ugnayan sa mga tourism agency.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.