Pagtitiwala sa medical experts, tugon sa mga outbreak ng sakit sa bansa
Hinikayat ng isang grupo ng mga manggagamot ang publiko na magtiwala sa mga eksperto sa larangan ng medisina upang makaiwas sa mga mapaminsalang sakit gaya ng mga naglabasang outbreak sa polio, dengue at pneumonia.
Sa Kapihan ng Samahang Plaridel, nilinaw ni Dr. Lulu Bravo, Executive Director ng Philippine Foundation for Vaccination, na lumalala ang pagkakaroon ng iba’t ibang epidemya ng mga sakit mula 2017 hanggang 2019 na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong mamamayan.
Ito aniya ay dulot nang naging takot ng publiko sa mga bakuna dahil sa mga naglabasang negatibong report at ang pagiging kalmante.
Upang maibalik ang kumpiyansa ng mga mamamayan sa vaccination program ng gobyerno, sinabi ni Dr. Bravo na obligasyon ng lahat ng mamamayan na tumulong upang magising ang kamalayan ng bawat Filipino patungkol sa kalusugan.
Hindi lamang aniya ang Department of Health (DOH) ang may responsibilidad upang maging malusog ang mga mamamayan kundi ang pakikiisa ng lahat at turuan ang mga policy maker at mga tao.
Kasabay nito ay nanawagan din si Dr. Bravo sa gobyerno na ikonsidera ang rekomendasyon ng mga health expert gaya ng National Institute of Health na itinatag noong 1998 na ang mandato ay manaliksik at mag-aral hinggil sa mga polisiya na ipatutupad sa aspeto ng kalusugan ng mga mamamayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.