Binatikos ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga panta-traydor umano at hindi pagpapahalaga ng mga pulitiko sa mga mamamayang Pilipino.
Inihayag ito ng kardinal sa harap ng nasa 15,000 Kristyanong delegado na dumalo sa International Eucharistic Congress (IEC) sa Cebu City kung saan nagbahagi siya ng kaniyang testimonya at catechesis.
Paliwanag ni Tagle, naluluklok sa posisyon ang isang pulitiko dahil sa tiwalang inilalagak sa kanila ng mga tao, at isa itong regalo mula sa publiko kaya hindi dapat sayangin o itapon lamang.
Aniya, dapat ay baliin na ng mga pulitiko ang “throw-away culture” na ginagawa ng mga ito sa mga taong nagtitiwala sa kanila.
Sinira na aniya ng materyalismo at ng pagiging makasarili ang kultura ng pagbibigayan.
Binanatan rin ng Kardinal ang namamayagpag na katiwalian at ugaling panunuhol na hindi aniya katanggap-tanggap sa kultura at buhay Kristyano.
Kaya naman paalala ni Tagle sa mga Katoliko, iwasan ang mga taong walang pagpapahalaga sa Christian values, at iyong mga walang pakundangan sa pag-suway ng mga ito.
Dahil sa marami ang tila naantig sa catechesis, naging ika-apat na trending topic pa sa Twitter ang “Cardinal Tagle” kahapon.