Pangulong Duterte maaring paunlakan ang imbitasyion ni US President Trump

File Photo

May tsansang paunlakan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon ni US President Donald Trump na dumalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Leaders Summit na gaganapin sa Las Vegas sa Marso.

Paliwanag ni Presidential spokesman Salvador Panelo, ASEAN summit kasi ito na inaasahang dadaluhan ng labing isa pang ASEAN leaders.

“…but given na this is an asean meeting of leaders baka ma persuade si president,” ayon kay Panelo.

Pero ayon kay Panelo, kakausapin niya muna si Pangulong Duterte para makasiguro kung tuloy o hindi ang pagpunta ang Amerika ng punong ehekutibo.

Ayon kay Panelo, tinanggihan na rin kasi noon ni Pangulong Duterte ang personal na imbitasyon ni Trump na bumisita sa Amerika.

April 2017 nang imbitahan ni Trump si Pangulong Duterte na bumisita sa Amerika.

Kung matutuloy man ang pangulo sa pagpunta sa Amerika sa Marso, hindi naman nababahala ang Palasyo sa ipinasang resolusyon sa Senado ng Amerika na nagbabawal na makapasok sa kanilang bansa ang mga taong nasa likod ng pagpapakulong kay senador Leila de Lima.

Paliwanag ni Panelo, base sa pakikipag-ugnayan ng Palasyo kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Babes Romualdez, wala naman sa 2020 budget ng Amerika na nilagdaan ni Trump ang nagsasabing bawal makapasok sa kanilang bansa ang mga nagpakulong kay De Lima.

Pero ayon kay Panelo, assuming na mayroon mang probisyon sa batas ng Amerika, nasa pagpapasya pa rin ng ehekutibo kung sino ang mga dapat at hindi dapat na makapasok sa kanilang bansa.

Ipinunto pa ni Panelo na ang imbitasyon ni Trump kay Pangulong Duterte ay malinaw na pagkontra sa posisyon ng Senado ng Amerika.

Read more...