Isa pang kontrata ni Ayala sa gobyerno, binubusisi ng Palasyo
Binubusisi na rin ng Palasyo ng Malakanyang ang isa pang kontrata na pinasok ng negosyanteng si Fernando Zobel de Ayala sa pamahalaan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na iimbestigahan niya ang kontrata ng mga Ayala sa University of the Philippines (UP) Ayala Land Technohub sa Quezon City.
Ayon kay Panelo, napag-alaman kasi niya na umuupa lamang si Ayala sa ng P20 kada square meter sa U.P. sa loob ng 25 taon.
Ayon kay Panelo, kapag nagkatotoo ang ulat, tiyak na malaki na naman ang problema ni Ayala.
“Lahat ‘yun. Maraming anomalya. Meron pa nga akong nabasa isang.. I have to probe it. I read in the internet that ‘yung pa lang Technohub dyan sa U.P. run by the Ayalas, parang maraming, maraming computation yung nag-research, parang lumalabas na yung buong lugar na ‘yun is being rented by the Ayalas at less than P20 per square meter for 25 years. Eh kung totoo ‘yun eh ‘di malaki na naman silang problema,” ayon kay Panelo.
Sinabi pa ni Panelo na hindi lamang ang U.P. Ayala Land Technohub ang iniimbestigahan ng Palasyo kundi maging ang iba pang maanomalyang kontrata.
Matatandaang pinagbantaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte si Ayala na may-ari ng Manila Water Company at negosyanteng si Manny Pangilinan na may-ari naman ng Maynilad dahil sa tagilid na kontrata sa tubig na pinasok sa gobyerno.
Binubusisi na rin aniya ng Palasyo ang kontrata nina Ayala at Pangilinan sa Light Rail Transit line 1 (LRT-1) na isa pa aniyang maanomalyang kontrata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.