Itinanggi ng Department of Health (DOH) na positive sa Middle East Respiratory Syndrome (MERS) ang isang South Korean student sa Bacolod City.
Sa post ng isang Irish Lao-Go sa kaniyang facebook account, hinihikayat nito ang mga residente sa Bacolod City na magsuot ng N95 mask dahil kumpirmado umanong may kaso na ng MERS sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital (CLMMRH) sa lungsod.
Ang nasabing post ni Go ay naibahagi na ng halos 2,000 beses sa pamamagitan ng share button sa oras na alas onse ng umaga. Patuloy pang ibinabahagi ang naturang post.
Pero sa text message sa Radyo Inquirer ni Dr. Lyndon Lee Suy, tagapagsalita ng Department of Health (DOH), wala pa ring kumpimardong kaso ng MERS sa bansa.
“There is no confirmed MERS case as of this time in the Philippines,” ayon kay Lee Suy.
Samantala, sa panayam naman ng Inquirer Visayas kay Dr. Carmela Gensoli ng Bacolod City Health Office sinabi nito na hindi totoo ang nasabing balita. Ayon kay Gensoli, hinihintay pa nila ang resulta ng ginawang pagsusuri sa swab sample na kinuha mula sa pasyenteng South Korean.
Katunayan ayon kay Gensoli, ngayong Huwebes ng umaga ay gumanda na ang kondisyon ng pasyente at wala na itong nararanasang lagnat.
Magandang senyales ayon kay Gensoli ang ipinakikitang pagbuti ng kondisyon ng nasabing dayuhan./Dona Dominguez-Cargullo may ulat mula sa Inquirer.net at kay Carla Gomez ng Inquirer Visayas