Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, base sa pagsusuri nila sa medical records ng tatlong taong gulang na batang lalaki, nakumpleto nito ang dosage ng bakuna noong siya ay sanggol pa.
Maliban dito, nang ilunsad ng Quezon City Government “Sabayang Patak Kontra Polio” ay tumanggap din ang bata ng dalawang bakuna.
Dahil dito nagtataka si Belmonte kung bakit nagpositibo pa rin ito sa polio base sa kumpirmasyon ng Department of Health (DOH).
Tiniyak naman ni Belmonte na isolated lamang ang naturang kaso.
Ani Belmonte, kabilang ang lungsod sa nakatugon sa 100 percent polio vaccination.
Ikakasa na rin ang ikatlo at ikaapat na round ng “Sabayang Patak Kontra Polio” sa lungsod.
Magpapatuloy rin si Belmonte sa pag-iikot sa mga nasasakupan para makausap ng personal ang mga magulang at para tiyakin na lahat ng bata ay nakatanggap ng bakuna.