Mahigit 30,000 pamilya sa Batangas apektado ng pagputok ng Bulkang Taal

Umabot na sa 30,763 na pamilya ang naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.

Sa update mula sa Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na inilabas alas 11:00 ng gabi ng Huwebes (Jan. 16), ang nasabing bilang ay katumbas ng 137,014 na indibidwal.

Sa ngayon ay mayroong nakabukas na 425 na evacuation centers kung saan pansamantalang inilikas ang mga naapektuhan.

Samantala, hinimok naman ng Batangas Provincial Government ang mga residente na pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kaanak na magpatala sa pamahalaan.

Ayon sa inilabas na abiso, upang maging maayos ang proseso ng pagtatala ng mga naapektuhang pamilya, maging ang mga pansamantalang nakikitira sa kaanak o kaibigan at wala sa listahan sa mga evacuation centers ay kailangang magpatala.

Kailangan lamang ipadala sa Facebook page ng Batangas PIO o Batangas Province Relief Operations ang pangalan, lugar ng pinanggalingan, pangalan at edad ng mga anak, pangalan ng senior citizen, pangalan at lugar ng pansamantalang tinutuluyan at numero na pwedeng tawagan.

Read more...