Imbestigasyon ng Kamara sa umano’y kakulangan ng impormasyon ng Phivolcs sa Bulkang Taal, hindi haharangan ng Palasyo
Walang balak ang Palasyo ng Malakanyang na harangan o pakialaman ang trabaho ng Kamara kaugnay sa panukala ni Cavite Congressman Elpidio Barzaga na imbestigahan ang Phivolcs dahil sa umano’y kakulangan ng pagpapakalat ng impormasyon kaugnay sa Bulkang Taal.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, pribilehiyo ng mga mambabatas na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa naturang isyu.
“As if malalaman mo kung kailan puputok ang bulkan. But anyway, its the prerogative and privilege of the legislature to call for a hearing in aid of legislation,” ayon kay Panelo.
Ayon kay Panelo, kuntento ang Palasyo sa trabaho ni Phivolcs Director Renato Solidum.
Katunayan, sinabi ni Panelo na mahusay magpaliwanag si Solidum.
Hindi naman aniya katulad ang bulkan o lindol sa bagyo na kayang hulaan kung kalian mangyayari.
“Magaling nga itong si Director Solidum eh. Mahusay magpaliwanag. Alam niyo… kasi yung iba nagco-compare. ‘Yung typhoon napi-predict natin, actually hindi nga napi-predict eh nakikita natin na brewing. On the basis of that nakukuha nila kung saan papunta, kabiis, kalakas. Pero ‘yung pagputok or earthquake, hindi mo mapi-predict ‘yun,” dagdag ni Panelo.
Una rito, sinabi ni Barzaga na nagkulang ang Phivolcs sa pagbibigay babala dahilan para malagay sa peligro ang buhay ng mga residente sa Batangas at Cavite dahil sa pagputok ng Bulkang Taal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.