DILG, ipinag-utos ang mandatory evacuation sa 15 bayan sa Batangas at Cavite; Publiko, hinimok na irespeto ang 14-km danger zone

Ipinag-utos na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mandatory evacuation sa ilang bayan sa Batangas at Cavite.

Ito ay dahil sa ballistic projectiles, base surges at volcanic tsunami bunsod ng nagpapatuloy na pag-alboroto ng Bulkang Taal.

Sakop nito ang mga local government unit (LGU) na may mga barangay na pasok sa 14-kilometer danger zone ng bulkan.

Kabilang dito ang mga sumusunod:

Batangas:
– Agoncillo
– Alitagtag
– Balete
– Cuenca
– Laurel
– Lemery
– Lipa City
– Malvar
– Mataas na Kahoy
– San Nicolas
– Sta. Teresita
– Taal
– Talisay
– Tanauan City

Cavite:
– Tagaytay City

Sa inilabas na pahayag, hinikayat ni DILG Secretary Eduardo Año ang publiko na iwasan ang 14-km danger zone at sumunod sa ipinatutupad na mandatory evacuation na inirekomenda ng Phivolcs.

Ayon sa kalihim, pahalagahan ang kaligtasan bago ang mga ari-arian.

“Sumunod po tayo sa mandatory evacuation recommended by PHIVOLCS and imposed by the DILG. Pahalagahan ang kaligtasan at buhay ninyo bago ang inyong ari-arian. Sumunod po tayo sa mga autoridad at manatili sa mas ligtas na lugar habang hindi pa natatapos ang pag-aalboroto ng Taal Volcano,” ani Año.

Dagdag pa nito, importanteng mailikas ang lahat ng residente sa nasabing lugar habang patuloy ang pag-aalboroto ng bulkan.

Sa listahan ng Phivolcs, nasa 213 na barangay sa Batangas ang posibleng makaranas ng base surges; 28 na barangay sa Cavite ang maaaring makaranas ng ballistic projectile habang 124 na barangay sa Cavite at walo sa Laguna posibleng makaranas ng volcanic tsunami.

Read more...