Dalawang beses na pagsabog naitala sa Bulkang Taal ngayong umaga

Simula alas 6:00 ng umaga ay dalawang beses na magkasunod na pagputok ang naitala sa Bulkang Taal.

Ayon sa inilabas na eruption notification ng Phivolcs naitala ang pagputok alas 6:17 ng umaga at alas 6:21 ng umaga.

Ang unang pagbubuga ng kulay dark gray na abo ay tinatayang may taas na 1,649 feet (500 meters) habang ang ikalawa naman ay 2,625 feet (800 meters) ang taas.

Sa nakalipas na magdamag, nakapagtala ang Phivolcs ng 103 na volcanic earthquake sa Bulkang Taal at 14 dito ang naramdaman sa lakas na Intensity I hanggang III.

Simula naman noong ala 1:00 ng hapon ng January 12 ay umabot na sa 566 ang bilang ng naitatalang volcanic earthquakes at 172 dito ang naramdaman at nagtala ng magnitude 1.2 hanggang 4.1 na mayroong Intensity I hanggang V.

Ayon sa Phivolcs ang mga paggalaw ng lupa na naitatala ay nangangahulugan ng patuloy na magmatic intrusion sa loob ng Taal na maaring kalaunan ay magresulta sa pagputok pa ng bulkan.

Babala ng Phivolcs nananatili ang posibilidad na pagkakaroon ng hazardous explosive eruption ng Bulkang Taal sa susunod na mga oras o araw.

Read more...