Papayagan ang mga residente ng Lemery, Batangas na makabalik sa kanilang mga bahay sa loob ng ilang oras ngayong araw.
Ayon kay Lemery Mayor Larry Alilio, marami kasing residente ang nakikiusap na makauwi muna sa kanilang mga tahanan para makakuha pa ng mahahalagang gamit na maaring isalba at mabalikan ang kanilang mga alagang hayop.
Sinabi ni Alilio na napagkasunduan nila ng chief of police ng Lemery na payagan ang pagpasok ng mga residente sa naturang bayan mula alas 6:00 ngayong umaga hanggang alas 10:00 ng umaga lamang.
Pagsapit ng alas 10:00 ng umaga ay ipatutupad na ang total lockdown sa bayan at wala nang papayagan pang makapasok.
Kahapon ay nagpatupad na ng mandatory evacuation sa Lemery.
Maliban sa Lemery ay nagpatupad na rin ng lockdown sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel simula kahapon ng hapon.
Ang bayan ng Talisay ay hindi na pinapayagang mapasok simula pa noong Martes.
Hindi na rin pinapapasok ang mga residente sa mga bayan ng Taal at San Nicolas.