EO para sa mabilis na transaksyon sa gobyerno ikinakasa na ni Pangulong Duterte

Photo grab from PCOO’s Facebook live video
May ilalabas na executive order si Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na cabinet meeting para mas maging mabilis ang transaksyons a gobyerno.

Ginawa ng pangulo ang pahayag sa situation briefing sa batangas bunsod ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Sa situation briefing sa Batangas City, inatasan ng pangulo si Budget Secretary Wendell Avisado na madaliin din ang pag-release ng pondo para sa mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.

Kapag aniya may request ang local government official ng dagdag pondo, hindi na dapat na upuan ang papeles at hingan pa ng napakaraming requirement o di kaya ay padaanin pa sa iba’t ibang opisina.

Mas maigi ayon sa pangulo na agad na i-release ang pondo sa loob lamang isa o dalawang araw.

Iniiwasan din ng pangulo ang magkaroon pa ng korupsyon sa pag-release ng pondo.

Isinasagawa ang cabinet meeting tuwing unang Lunes ng kada buwan.

Sa ngayon sinabi ni Avisado na sapat pa naman ang pondo ng pamahalaan para ayudahan ang mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.

Read more...