Lokal na pamahalaan ng Batangas City at Lipa City ipinagpaliban ang mga aktibidad para sa kanilang mga pista
Kinansela muna ng lokal na pamahalaan ng Batangas City at Lipa City ang kanilang mga aktibidad para sa pista dahil sa pag-aalboroto ng Bulkang Taal.
Ayon kay Batangas City Mayor Beverley Dimacuha, ang lahat ng selebrasyon para sa pista ay kanselado muna, kabilang ang Bb. Lungsod ng Batangas Pageant at parada dahil sa halip na gumastos ay pagtutuunan na lamang nila ng pansin ang pagtulong sa mga residenteng apektado ng pagsabog ng bulkan.
Samantala, nag-anunsyo na rin si Lipa City Mayor Eric Africa kaugnay sa pagpapaliban muna ng lokal na pamahalaan sa lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa pista ng kanilang lungsod para masiguro ang kaligtasan ng mga residente at dahil na rin nasa state of calamity ang buong lalawigan ng Batangas.
Humingi naman ng pag-unawa si Mayor Africa dahil uunahin muna umano ng lokal na pamahalaan ang pagtulong sa mga apektadong residente na mula sa ibang bayan na kinupkop ng lungsod.
Gaganapin sana ang pista sa Batangas sa January 16 at sa January 19 at 20 naman gaganapin ang pista ng lungsod ng Lipa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.