Pinsala sa ani at livestock bunsod ng pagsabog ng Bulkang Taal, umabot na sa P577-M – DA

Kuha ni Fritz Sales

Pumalo na sa mahigit P577.59 milyon ang halaga ng pinsala sa mga ani at livestock bunsod ng pag-alboroto ng Bulkang Taal, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Sa inilabas na Taal Volcano Eruption Bulletin no. 3, sinabi ng kagawaran na apektado nito ang 2,772 ektarya at 1,967 hayop sa Region 4A (Calabarzon).

Kabilang sa mga apektadong ani ay palay, mais, kape, cacao, saging at iba pa.

Sinabi ng DA na ipamamahagi ang P21.7 milyong halaga ng tulong sa 17 local government unit (LGU) kabilang ang bayan ng Agoncillo, San Nicolas, Talisay, Lemery, Laurel, Lipa City, San Jose, Nasugbu, Mataas na Kahoy, Balete, Cuenca, Alitagtag, Padre Garcia, Tanauan City, Malvar at Taal.

“These interventions include the provision of livestock for restocking and rice and corn seeds, high-value crops planting materials and other production inputs,” ayon sa kagawaran.

Dagdag pa nito, mayroong nakahandang gamot at biologics ang The Bureau of Animal Industry (BAI) para sa mga apektadong livestock.

Dalawang trak din ang itinalaga sa mga apektadong lugar para sa animal rescue and evacuation.

Para naman sa Bureau of Plant Industry (BPI), mayroong nakahandang 5,000 coffee mother plants at 1,000 cacao seedlings na ipamamahagi sa lugar.

Maliban dito, magpapadala rin ng tulong ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng pitong milyong fingerlings para sa tilapia; 20,000 ng Ulang; 50,000 ng hito; 100,000 ng Bighead Carp at 5,000 fingerlings ng Ayungin oras na maibalik ang aquaculture operation sa lawa.

Dagdag pa ng DA, magsasagawa ng soil sampling, analysis at mapping ang Bureau of Soils and Water Management (BSWM) sa mga apektado ng abo.

Read more...