Binati ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mabilis na pagresponde ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan sa pag-alboroto ng Bulkang Taal.
Sa isinagawang situation briefing sa Batangas Provincial Sports Complex (BPSC) sa Batangas City, sinabi ng pangulo na masaya siya dahil karamihan sa mga ahensya ng gobyerno ay nasa Batangas para aksyunan ang sakuna.
Ayon sa pangulo, ang pag-aalboroto ng bulkan ay “continuing one.”
Dahil dito, kailangan pa rin aniyang bantayan nang maigi ang sitwasyon sa nasabing probinsya.
“The local and national government must stay for a while and do their work until such time that we are ready to declare that the crisis is over,” ani Duterte.
Humingi naman ng paumanhin ang Punong Ehekutibo dahil hindi siya agad nakapunta sa Batangas nang magsimulang mag-alboroto ang Bulkang Taal noong araw ng Linggo, January 12.
Naghahanda na aniya siya papunta sa nasabing probinsya ngunit pinayuhan siya ukol sa tindi ng abo sa lugar.
Pinilit naman aniya niyang makapunta noong Lunes ng umaga sa kabila nito.
“So early morning, I insisted that I have to be here because there is a crisis at pinilit ko ‘yung eroplano. They did something about the runway, making it wet so that there was less ash that would be seeping into the equiptment of the plane,” dagdag ng pangulo.