Northeast monsoon, umiiral pa rin sa buong Luzon – PAGASA

Photo grab from DOST PAGASA’s website

Patuloy na umiiral ang Northeast Monsoon o Amihan sa buong Luzon, ayon sa PAGASA.

Dahil dito, sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PAGASA weather specialist Raymond Ordinario na makararanas ng maulap na kalangitan sa Silangang bahagi ng Luzon, Eastern Visayas at Bicol region.

Magiging maulap din aniya ang papawirin sa Cagayan, Cordillera, Bicol region, Aurora, Quezon at Northern Samar na may kasamang mga mahihinang pag-ulan.

Dagdag pa ni Ordinario, patuloy na makararanas ng maulap na kalangitan sa bahagi ng Batangas na may pulo-pulong pag-ulan bunsod pa rin ng Amihan.

Samantala, huli namang namataan ang binabantayang low pressure area (LPA) sa layong 350 kilometers Silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur bandang 3:00 ng hapon.

Maliit pa rin aniya ang tsansa na lumakas ang LPA at maging isang bagyo.

Ibig-sabihin, ani Ordinario, walang mararanasang sama ng panahon sa loob ng bansa sa susunod na tatlo hanggang limang araw.

Magging maaliwalas aniya ang panahon sa Metro Manila, eastern Visayas at malalaing bahagi ng bansa.

Read more...